P23 minimum fare sa jeep, hinirit
MANILA, Philippines — Isang fare hike petition ang inihain ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Naitonwide (PISTON) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maitaas sa P10 ang pasahe sa mga pampasaherong jeep.
Aniya, kung mapapagbigyan ng LTFRB ay magiging P23 ang minimum pasahe sa jeep mula sa kasalukuyang P13 minimum fare.
Sinabi ni PISTON President Mody Floranda, hindi nakatulong at pansamantala lamang na natakpan ang gastusin ng mga driver sa ipinamimigay na fuel subsidy ng pamahalaaan dahil one time lamang ito kaya’t dama pa rin nila hanggang ngayon ang epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Hindi rin aniya, tuluyang nakatulong ang pansamantalang pagpapatupad ng VAT sa langis dahil tumaas naman ang presyo ng bilihin at iba pang serbisyo tulad ng maintenance fee ng mga sasakyan na naging epekto ng tumindig oil price hike.
Kinundisyon lamang aniya ng naturang mga pampakalma ang hanay ng mga tsuper.
Mas nais nilang maipatupad ng pamahalaan sa pamamagitan ng LTFRB ang P10 taas dahil ito ay pang matagalang makakatulong sa kabuhayan ng mga operator at driver ng pampasaherong jeep.
Masyado aniyang maliit ang naipagkaloob na P1 fare hike ng LTFRB para sa mga traditional jeepneys sa bansa.
Sinabi naman ng grupong Liga ng Transportasyon at Operator ng Pilipinas LTOP na dapat ay hindi P1 kundi P5 ang dapat na naitaas sa singil sa pasahe sa jeep upang mapunan ang malaking kakulangan sa kita ng mga driver sa araw araw dahil sa epekto ng oil price hike.
- Latest
















