Mary Jane Veloso, pinag-iinitan ng mga inmate

MANILA, Philippines — Nababahala ang kaanak ni Mary Jane Veloso dahil sa umano’y napag-iinitan ito ng mga kasama sa selda sa Correctional Institution for Women (CIW).
Ito’y matapos bisitahin sa ikatlong pagkakataon noong Sabado ng mga kamag-anak si Veloso sa CIW, sa Mandaluyong City.
Hindi man umano pisikalan, nakakaranas ng mga patutsada mula sa mga kapwa bilanggo si Mary Jane at duda sa posibilidad na ang mga dating nakasama ng kaniyang trafficker sa selda ang mga inmate ngayon.
“Kasi mukhang pinag-iinitan daw siya ng mga ka-cellmate niya. Kasi diba dati solo, solo na cell siya, ngayon she was transferred sa isang malaking cell at marami siyang mga kasama doon sa cell,” sa panig naman ni Josefina Pingkihan, Deputy Secretary General ng Migrante.
Nag-aalala umano si Mary Jane na baka nahalo siya sa ilang inmate na nakasama ng dating inmate na kaniyang illegal recruiter.
Dahil dito, nanawagan muli kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kapatid na si Marytess: “Mr. President palayain niyo na po ‘yung kapatid ko. Binigay naman na po ng Indonesian government sa mga kamay niyo ang desisyon, Sana po pakawalan niyo na po ang kapatid ko.. Parang awa niyo na po.”
- Latest