Inflation rate noong Disyembre 2024, bumilis sa 2.9% – PSA
MANILA, Philippines — Bumilis sa 2.9% ang inflation rate sa Pilipinas noong Disyembre 2024 na mas mataas kumpara sa naitalang 2.5% na inflation noong Nobyembre 2024. Mababa naman ito kung ikukumpara sa 3.9% na naitala noong Disyembre 2023.
Sa isang press conference kahapon ay iniulat ni Philippine Statistics Authority (PSA) chief USec. Dennis Mapa na ang pangunahing dahilan ng pagbilis ng inflation noong Disyembre ay ang mas mabilis na pagtaas ng mga presyo o halaga sa pabahay, tubig, kuryente, gas at iba pang langis.
Nagdala naman ito sa annual average inflation rate ng PH para sa 2024 sa 3.2%, mas mababa kumpara sa 2023 annual average inflation rate na 6.0%.
Ang inflation noong Disyembre ay pasok sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 2.3% hanggang 3.1% at nangangahulugan na naabot ang target ng gobyerno na mapanatili ang average inflation para sa 2024 na 2% hanggang 4%.
Nakaambag din ang mabilis na inflation sa gasolina, diesel at pamasahe sa barko.
Naitala naman sa 3.4% ang food inflation kung saan pangunahing nakaambag ang mabilis na galaw sa presyo ng kamatis, at manok.Nananatili namang mababa ang inflation sa bigas na nasa 1.3%.
- Latest