‘Mga doktor ‘wag idawit sa negatibong isyu’
MANILA, Philippines — Nanawagan si Bell-Kenz Pharma President and Chief Executive Officer Luis Raymond Go na huwag iuugnay ang mga doktor sa mga negatibong usapin at isyu na ipinupukol sa kanilang kumpanya.
Ayon kay Go, bilang isang doktor ay marami pa nga silang mga pro-bono cases kaysa ang kumita o maningil sa kanilang pasyente lalo na siya na nagsisilbing cardiologist sa Philippine Heart Center.
“Kami mga doktor hindi ang kumita ang aming pangunahing layunin kundi ang mapagsilbihan ang mga pasyente matugunan ang kanilang pangangailangang medikal at gumaling sila sa kanilang sakit o karamdaman,” ani Go.
Magugunitang sa pagdinig ng Senado ay pinabulaanan ni Go na ang kanilang kumpanya ay isa at nagtataguyod ng MLM sa bansa.
Samantala, sinabi ni Atty. Dezery Perlez sa kanyang pagdalo sa lingguhang Kapihan sa Manila Bay, na isa sa abogado ng Bell-Kenz Pharma na lubhang apektado na ang mga doktor ukol sa usapin ng multi-level marketing (MLM).
Ayon kay Perlez, walang batas na nagbabawal na magkaroon ng pagmamay-ari ang isang doktor ng hospital, botika, diagnostic center at laboratory clinic. Dahil dito aniya, walang maituturing conflict of interest ukol sa mga negosyo ng mga Doktor sa kanilang propesyun.
Pinag-aaralan na rin aniya ng mga doktor ang pagsasampa ng kaukulang kaso Laban sa mga malisyosong post sa internet.
- Latest