135 Chinese vessels namataan uli sa Julian Felipe Reef
MANILA, Philippines — Daan-daang mga barko ng Chinese Maritime Militia (CMM) na nakitang nagkukumpulan sa may Julian Felipe Reef na pasok sa PAR (Philippine area of responsibility).
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) balik na naman sa West Philippine Sea (WPS) ang nasa 135 CMM ships ang nakita sa naturang lugar na higit na marami sa 111 barko na naitalaga noong Nobyembre 13, 2023.
Nakita ang CMM ships nang ipadala ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan noong Sabado ang PCG vessels na BRP Sindangan at BRP Cabra para magpatrolya malapit sa Julian Felipe Reef, na nasa 175 nautical miles west ng Bataraza, Palawan.
Nagpadala ng radio challenges ang mga barko ng PCG ngunit walang tumugon sa kanila.
Sa kabila ng napakaraming barko ng China, nanindigan ang PCG na mananatiling ipatutupad ang kanilang mandato na tiyakin ang kaligtasan sa parte ng karagatan na nasasakupan ng Pilipinas at ang mga likas na yaman dito.
Ang pagkakakita sa mga barko ng China ay bago ang planong WPS caravan na ikakasa ng Atin Ito! Coalition sa Disyembre 10 na lilibot sa mga isla na sakop ng Pilipinas at mamimigay ng mga regalo partikular na sa mga sundalo na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa may Ayungin shoal.
- Latest