Obrero dedo, 15 naospital sa lechon baboy
MANILA, Philippines — Isang 34-anyos na obrero ang nasawi habang 15 ang nadala sa ospital matapos malason sa kinaing lechon baboy noong Linggo sa Pinamungajan City, Cebu.
Ang nasawi ay kinilalang si Ryan Mendoza Alquizar, construction worker habang nilalapatan naman ng lunas sa ospital ang 15 iba pa kabilang ang 3-anyos na anak at asawa ni Alquizar na pawang mga residente ng Sitio Mohon, Brgy. Tutay, ng lungsod.
Sa report ng Pinamungajan Municipal Police Station, Linggo ng umaga nang biglang makaranas ng pagkahilo, pananakit ng tiyan at panghihina ang mga biktima kaya dinala ang mga ito sa Pinamungajan District hospital.
Subalit, habang nilalapatan ng lunas ang mga biktima, nalagutan ng hininga si Alquizar.
Kwento ng kasamahan ng biktima na si Jerry Pasignajen, inalok sila sa construction site ng kanilang engineer na pautangin ng tig-isang kilong lechon.
Pag-uwi sa kanilang bahay ay pinaulam nila ito sa kanilang pamilya, subalit makalipas ang ilang oras ay nakaranas na sila ng pagkahilo, pagsusuka, panghihina ng katawan at ang iba ay hinimatay pa.
Isinasailalim na sa eksaminasyon ng RHU Pinamungajan ang nakaing lechon upang malaman kung ‘food poisoning’ ang sanhi ng pagkamatay ni Alquizar at panghihina ng 15 iba pa.
- Latest