Namatay na Bulacan rescuers pinarangalan
MANILA, Philippines — Pinarangalan at binigyan ng ‘snappy salute’ ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang limang bayaning rescuers na nagbuwis ng kanilang buhay habang nagsasagawa ng rescue mission sa San Miguel, Bulacan sa kasagsagan nang pananalasa ng Super Bagyong Karding noong Linggo ng gabi.
Nagpaabot si DILG Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. nang taos-pusong pakikiramay at mataimtim na panalangin para sa mga pamilya ng nasawing rescuers na sina Narciso Calayag, Jerson Resurreccion, Marvy Bartolome, George Agustin at Troy Justin Agustin.
Matatandaang Linggo ng gabi ay nagsasagawa ng rescue operations ang mga biktima nang abutan sila ng flash flood at madaganan nang gumuhong pader sa Barangay Camias, San Miguel, Bulacan.
Sakay umano ang mga biktima ng isang rescue boat nang maganap ang insidente, matapos na masira ang kanilang truck habang patungo sa kanilang misyon.
Iniulat na nawawala ang mga biktima at nang hanapin ay nadiskubre na lamang ang kanilang mga labi sa Sitio Banga-Banga, Barangay Camias. - Omar Padilla
- Latest