Naipamahaging educational aid umabot na sa higit P935 milyon
MANILA, Philippines — Mahigit sa P935 milyon na educational assistance ang naipamahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa may 370,000 student beneficiaries, hanggang sa ikaapat na linggo ng implementasyon ng naturang programa.
Ayon kay DSWD Undersecretary Jerico Javier, hanggang noong Setyembre 10, aabot na sa P935,971,800 ang kabuuang halaga ang naipamahagi nila sa mga benepisyaryo sa ilalim ng kanilang cash assistance program na kung saan ay nasa 372,298 estudyante ang nabiyayaan.
Sinabi ni Javier na noon lamang Setyembre 10, kabuuang P261,208,000 cash ang kanilang naipamigay sa may 104,326 benepisyaryo.
Aniya pa, wala rin silang naitalang anumang problema sa kanilang mga payout sites sa buong bansa sa naganap na distribusyon ng ayuda noong Sabado.
Ang programa ay sinimulan ng DSWD noong Agosto 20 at nakatakdang magtapos sa Setyembre 24 o tatagal ng anim na Sabado lamang.
Sa ilalim nito, hanggang tatlong estudyante sa bawat indigent family ang maaaring makatanggap ng P1,000 para sa elementary students, P2,000 para sa high school students, P3,000 para sa senior high school students, at P4,000 para sa college students o vocational courses.
- Latest