Apela ni Duterte: Pagmimisa sa simbahan, tigil muna
Kabilang ang Traslasyon ng Itim na Nazareno…
MANILA, Philippines — Upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa Simbahang Katoliko na suspendihin na lang muna ang pagdaraos ng pisikal na misa kabilang ang tradisyunal na prusisyon ng Itim na Nazareno.
“Kung nakikinig ang Roman Catholic Church, I am now appealing to you to forego and cancel all physical gatherings, including the procession and the celebration of mass sa church because marami yan sila,” apela ni Duterte sa huling Talk to the People noong Martes ng gabi.
Nilinaw din ni Duterte na hindi nagdidikta ang gobyerno, pero umaapela para sumunod ang lahat at nang mapigilan ang pagkalat ng impeksiyon.
Inaasahan na maraming mga deboto ang dadalo kung itutuloy ang prosisyon ng Itim na Nazareno.
Aminado si Duterte na mahalaga sa Simbahang Katoliko at mga deboto ang pagdiriwang pero kailangan aniyang magdesisyon ang gobyerno para sa kapakanan ng mga nakararami.
Binanggit din ni Duterte na hindi pinapayagan ang lahat ng uri nang pagtitipon at hindi maaaring magpaka-kampante ang gobyerno tungkol sa hawahan.
Aniya ay maiintindihan ng Simbahan at mga deboto ang kanyang apela na puwede ring isantabi at hindi sundin.
- Latest