Drug lords sa Region 3 tutugisin
MANILA, Philippines — “We will hunt you down…and the authorities will never stop.”
Ito ang pahayag na binitiwan ni Philippine National Police (PNP) Region 3 Director Valeriano de Leon sa mga drug lords hinggil sa pinaigting pa na kampanya laban sa iligal na droga sa Region 3.
“Sa loob lang ng dalawang linggo, bilyun-bilyong pisong halaga na ng droga ang nasabat ng pinagsanib na pwersa ng PNP, PDEA, BOC, at AFP dito pa lang sa Central Luzon,” ayon kay Gen. De Leon.
Noong Biyernes, tatlong malalaking drug dealer ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon sa Angeles City na nagresulta sa pagkakakumpiska ng ilang gramo ng shabu na hindi bababa sa P20,000 ang halaga.
Naharang din ng Customs at PDEA noong araw na iyon ang P7 milyong halaga ng shabu sa loob ng Clark International Airport mula sa bansang Malawi at noong nagdaang linggo, 500 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 bilyon ang na-intercept ng PNP, PDEA, AFP at Customs sa karagatan ng Zambales.
Makalipas ang isang araw, timbog naman ang isang miyembro ng PNP Tarlac na sinasabing protektor ng droga sa lugar at dalawa pang sibilyan na nahulihan din ng ilang gramo ng shabu at cash.
- Latest