5 pulis na sangkot sa pagpatay kay Calbayog Mayor Aquino, pinasisibak
MANILA, Philippines — Sibakin sa serbisyo ang limang pulis na sangkot sa pamamaril at pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino noong Marso 8, 2021.
Ito ang rekomendasyon ni PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, nasa Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) kay PNP Chief General Guillermo Eleazar na sibakin sa serbsiyo sina PLtCol. Harry Sucayre, PLtCol. Shyrile Tan, PLt. Julio Armeza Jr. pawang taga-PNP-IMEG; PSSg Neil Cebu ng EOD /K9, Samar PPO at PCPL Edsel Omega ng PDEU, Samar PPO.
Lumalabas sa imbestigasyon ng IAS, na ambush at hindi shootout ang nangyaring krimen na ikinamatay ni Aquino at mga tauhan nito na kung saan ay nasa 267 ang tama ng bala ng baril sa sasakyan bukod pa sa siyam na tama ng baril sa windshield na malinaw ang intensiyon na patayin ang sakay nito.
Ayon pa kay Triambulo, dalawang taong pinagplanuhan ang pagpatay kay Aquino at hindi rin maipaliwanag ng mga inaakusahang pulis kung bakit nakasuot ng bonnet ang dalawa sa napatay na suspek na pulis na sina Capt. Joselito Tabada at SSgt. Romeo Laoyan.
Sa pahayag ng ilang testigo, unang nagpaputok ng baril ang mga pulis at gumanti lamang ng putok ang mga kasama ni Aquino matapos na mapatay ang police escort na si SSgt. Rodeo Sario at ang driver nito na si Dennis Abayon.
Inabswelto naman sa kasong administratibo ang 16 na pulis na una nang isinasangkot sa operasyon.
- Latest