‘Wag mag-panic buying — Malacañang
MANILA, Philippines — “Wag mag-panic buying”.
Ito ang pakiusap ng Malacañang sa mga mamamayan sa Metro Manila na huwag gamitin ang isang linggong palugit bago ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) na magsisimula sa Agosto 6, 2021 hanggang Agosto 20, 2021.
Sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque, walang dahilan para mag-panic buying dahil bukas naman ang mga pamilihan.
“Kung kayo po ay mananatili na sa inyong mga tahanan, huwag na po kayong mag-panic buying ha kasi mayroon naman tayong isang linggo para magprepara dito sa two weeks na ECQ. Wala pong dahilan para mag-panic buying dahil maski ECQ po, buhay naman po o bukas naman po ang ating mga groceries,” ani Roque.
Sinabi ni Roque na ang isang linggong palugit ay para sa pagpaplano lalo na sa mga maaapektuhang negosyo.
Nilinaw din ni Roque na wala pang malaking banta at nasa low risk pa rin ang NCR at magpapatupad lamang ng ECQ upang mapigilan ang pagtaas ng bilang ng may Delta variant ng COVID-19.
- Latest