Yap umapela ng tulong sa Senado
MANILA, Philippines — “Ipasa na ang Benguet General Hospital Renationalization Bill”.
Ito ang apela ni ACT-CIS Partylist Rep. Eric Go Yap, na siya ring Legislative Caretaker ng Benguet Lone District sa Senado na hindi naaprubahan dahil sa ilang isyu na inungkat ni Minority Leader Senator Franklin Drilon.
Nabatid na isa sa mga isyu na itinataas ay ang health service delivery ay isang devolved function at ang pag-apruba sa HBN 6849 ay magdaragdag ng financial burden sa national government sa halip na sa local government.
“Tama bang basta sabihin na lang na huwag na kasi devolved naman na yan? When health was devolved to LGUs, pareho ba ang estado ng mga local government? Pantay pantay ba ng financial capacity? Kasama bang bumaba sa function ang pondo para sa devolution? Pero ang presyo ng gamot, ng mga hospital equipment, at ng maraming pang ibang gastusin para sa ospital, pareho lang. Pareho ng gastos, pero hindi pareho ang capacity. Kaya maraming probinsya talaga ang hirap na hirap umangat,” anang mambabatas.
Ayon pa kay Yap na ang panukalang batas ay pakikinabangan din ng mga residente ng Cordillera at ’yung subsidy ng probinsya sa hospital ay mas magagamit sa pagpapagawa ng mga bagong kalsada para mapadali ang biyahe ng mga gulay papunta sa trading centers at tataas ang kita ng mga magsasaka.
Sinuspinde ng Senado ang konsiderasyon sa naturang panukala noong Huwebes at inaasahang ipagpapatuloy ang deliberasyon bukas.
- Latest