CDCP bill aprub na sa House Health Committee
MANILA, Philippines — Pinagtibay nitong Martes ng House Committee on Health ang House Bill 6096 na naglalayong magtatag ng Center for Disease Control and Prevention (CDCP) sa ilalim ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda na otor ng panukala na noon pang Enero 2020, dahil sa inaasahang malagim na pagkalat ng pandemya ay umabot sa 167 ang mga mambabatas na naging ‘co-author’ ng panukala na ang ilan ay naghain din ng katulad nitong panukala, batay sa orihinal na konsepto ng biglaang paglitaw ng ‘health emergencies’ at pagkakaroon ng “higit na kahandaan at pagtugon” sa gayong pangkalusugang problema ng bansa.
Sinabi mismo ni Pangulong Duterte sa huling SONA niya na prayoridad ang naturang panukalang ahensiya at ang paglikha nito para maging handa sa pandemya, maprotektahan ang buhay at patuloy na sumulong ang bansa kahit sa gitna ng matitinding suliranin.
Sa talakayan ng Health Committee, hinimok ni Salceda na panatilihing nakatuon sa paglaban sa mga nakakahawang sakit ang mandato ng CDCP, kasama na ang mga hindi pa umuusbong na sakit ngunit maaaring makahawa.
- Latest