PhilStar Media Group nagsagawa ng relief ops sa Albay
MANILA, Philippines — Umabot sa dalawang libong pamilya na natulungan ang hindi naitago ang kanilang tuwa at pasasalamat matapos na maabutan ng ayuda ng mga kinatawan ng PhilStar Media Group sa ginawang”Operation Damayan” sa mga bayan ng Guinobatan, Malinao at Tabaco City sa lalawigang ito noong araw ng Linggo.
Ang pamamahagi ng relief goods ay pinangasiwaan mismo ng mga tauhan ng PhilStar Media Group sa pangunguna ni Emie Cruz sa tulong ng mga volunteers mula sa Quezon City Disaster Risk Reduction Management Office at Social Action Center ng tatlong parish church ng simbahang katoliko sa naturang mga bayan kaya naging mabilis at sistimatiko ang pamimigay ng tulong.
Mahigpit namang naipasunod ang health protocol lalo na ang social distancing.
Maliban sa noche buena package, delata, tinapay, kape ay merong natanggap na banig, tuwalya, kumot at tubig ang mga apektadong residente. Nasa 400 residente ang natulungan mula sa iba’t ibang barangay sa Guinobatan, 700 sa Brgy. Balading at 700 naman sa Brgy. Estancia sa bayan ng Malinao. Aabot naman sa 200 na mga bata mula sa iba’t ibang barangay sa Tabaco City ang pinasaya ng grupo at hinandugan ng masarap at masustansiyang pagkain sa ginawang food feeding.
Ang Social Action Center mismo ang pumili ng mga resipiyente para matukoy ang mas nangangailangan at para iwas pamumulitika.
Ayon sa mga natulungang residente, napakalaking bagay ang naihatid sa kanila ng PhilStar Media Group lalo na at nagsisimula pa lamang silang bumangon mula sa pagkakalugmok makaraang bayuhin ng malalakas na bagyong Quinta, Rolly at Ulysses.
Ayon kay Elmer Annoñuevo, residente ng Brgy. Maipon ng Guinobatan, kahit nang tumama din sa Albay ang super typhoon Reming noong Nobyembre 30,2006 kung saan marami ang namatay at nawalan ng pag-aari ay ang Operation Damayan ng Philippine Star ang unang nakapaghatid sa kanila ng tulong.
- Latest