Palayan City namahagi ng tulong sa mga mahihirap at middle class
MANILA, Philippines — Umaabot sa 12,000 mahihirap na pamilya at nasa middle class na residente ng Palayan City ang nabigyan ng food packs at 3,000 cash ni Palayan City, Nueva Ecija Mayor Rianne Cuevas.
Ayon kay Mayor Cuevas, alam niyang mauubos agad ang ipinamigay nilang food packs na kinabibilangan ng bigas, delata, gulay at gatas kaya niya naisipang mamigay na rin ng pera.
“Hindi lang poorest of the poor kundi pati yung mga nasa middle class binigyan namin ng food packs at cash dahil mag-iisang buwan na rin silang walang trabaho at walang kita”, anang alkalde.
Sinabi ni Mayor Cuevas, sinimulan nila ang pamimigay ng cash at food packs nitong Miyerkules Santo. Aabot sa P40 milyon ang ipinamigay ng lokal na pamahalaan na ang nasabing pondo ay mula sa kanilang savings at Internal Revenue Allotment (IRA).
Kasama ang mga lider ng bawat barangay, personal na iniabot ni Mayor Cuevas ang pera sa bawat pamilya na nag-antay sa labas ng kani-kanilang mga bahay.
“Ayaw ko kasing makarinig na hindi sila naabutan o pinipili lang ang aabutan kung kaya ako na mismo ang nag-abot sa kanila,” sabi ni Mayor Cuevas.
- Latest