P10 milyong halaga ng karne mula China, nasabat
MANILA, Philippines — Umaabot sa P10 milyong halaga ng hinihinalang karne mula sa China ang nakumpiska sa Balut, Tondo, Maynila.
Nasabat ng Veterinary Inspection Board at Special Mayor’s Reaction Team ang kahon-kahong meat products sa isang warehouse sa Balut, Tondo na naglalaman ng nasa higit 10 toneladang duck meat at mga sausage.
Walang dokumento ang mga naturang kargamento na nagsasaad kung saan galing ang mga ito, subalit nakasulat sa Chinese characters ang tatak ng mga kahon at packaging.
Hindi naman nadakip ang sinasabing may-ari ng mga hot meat na si Daniel Yulo ng No. 292 Honorio Lopez St., Balut, Tondo.
Isa sa mga sasakyang pinagkargahan ng mga karne ay kapareho ng sasakyan sa warehouse sa Navotas City kung saan ang tone-toneladang poultry products din ang nakumpiska noong Miyerkoles ng gabi.
Beberipikahin ng lokal na pamahalaan ang pagkakakilanlan ng itinuturong may-ari ng warehouse sa Tondo at aalamin din kung may clearance ito sa barangay at kung may business permit sa lungsod.
- Latest