Police Academy inilagay na sa kontrol ng PNP
MANILA, Philippines — Pormal nang ipinagkatiwala ng Philippine Public Safety College ang pamamahala ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite sa Philippine National Police (PNP).
Kaya umaasa si PNP Chief P/General Oscar Albayalde na maiiwasan na ang hazing sa loob ng akademya.
Ayon kay Albayalde, ngayong may direktang kontrol at superbisyon na ang PNP sa akademya ay mas magiging mahigpit na ang mga pribilehiyo at parusa sa mga kadeteng gumagawa ng labag sa batas.
Bagaman, aminado si Albayalde na maging siya man sa panahon ng kaniyang pagiging kadete sa Philippine Military Academy (PMA) ay dumanas din ng hazing. Ang ganitong sistema ng pagpaparusa ay ipinagbabawal na ng batas at kailangan ng magbago ang kultura ng mga kadete.
Ipinaalala ni Albayalde na ang mga kadete sa PNPA ang susunod na mga lider ng PNP na magpapatupad ng batas kaya’t kailangan ang mga itong madisiplina ng tama, hubugin upang matutong rumespeto at sumunod sa batas.
Si Pangulong Rodrigo Duterte ay lumagda sa Republic Act 11279 nitong Abril 12, 2019 na nagbibigay ng kapangyarihan sa PNP para isuperbisa ang superbisyon at kontrol sa pagsasanay ng mga police recruits.
Sa ilalim ng nasabing batas ang PNP ang magsusuperbisa sa PNPA at maging sa National Police Training Institute (NPTI).
Huling insidente ng hazing sa PNPA ay noong Oktubre 6 ng nakalipas na taon na nagresulta sa pagkakasibak sa 3 kadete matapos na pilitin ng mga ito ang dalawang nakababatang kadete na mag-oral sex sa kanilang harapan habang pinanood nila ang mga ito.
- Latest