Durugin ang ‘godless criminals’!
20 patay, 81 sugatan sa Jolo twin blast...
MANILA, Philippines — Nangako ang Palasyo ng Malacañang na tutugisin at dudurugin ang mga “godless criminals” na nasa likod nang magkasunod na pagpapasabog sa loob at labas ng simbahan kahapon ng umaga sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng 20 katao at pagkasugat ng 81 iba pa.
Tinawag ni Presidential spokesperson Salvador Panelo ang insidente na isang uri ng “act of terrorism” na kung saan ay hinahamon ang kapabilidad ng pamahalaan
para sa pagbibigay ng seguridad sa nasabing lugar.
“The Armed Forces of the Philippines will rise to the challenge and crush these godless criminals. We will pursue to the ends of the Earth the ruthless perpetrators behind this dastardly crime until every killer is brought to justice,” pahayag ni Panelo.
Nabatid na 20 tao ang namatay kasunod ng pagsabog ng dalawang bomba sa loob ng Our
Lady of Mount Carmel Cathedral at sa labas nito na kinabibilangan ng 15 sibilyan at 5 sundalo at nasa 81 ang nasugatan.
Sa ulat ni Colonel Gerry Besana, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command na sumabog ang unang bomba bandang alas-8:30 ng umaga sa gitna ng misa at ilang minuto lang ang lumipas ay isa pang pagsabog ang naganap sa parking area ng simbahan
habang rumeresponde ang puwersa ng gobyerno sa naunang pagsabog.
Nangyari ang pagsabog ilang araw lamang matapos maratipika ang Bangsamoro Organic Law (BOL), na magbibigay daan sa pagtatag ng bagong rehiyon sa Mindanao at magbibigay sa mga Muslim doon ng mas malawak na kapangyarihang pamahalaan ang kanilang sariling rehiyon.
Pero para kay National Security Adviser Jun Esperon, masyado pang maaga para sabihing konektado ang mga pagsabog sa plebisito sa Bangsamoro, na bahagi ng isang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa Sulu, nagwagi ang mga botong “yes” para mapabilang ang lalawigan sa bubuuing Bangsamoro region.
- Latest