7 minero nilamon ng lupa
MANILA, Philippines — Nalibing nang buhay ang 7 minero matapos matabunan ng gumuhong lupa habang naghahanap ng mina ng ginto sa liblib na lugar sa Mt. Manhupaw sa hangganan ng Santiago at Jabonga, Agusan del Norte.
Sa ulat ni CARAGA Police Director P/Chief Supt. Gilbert Cruz, nahukay na ang bangkay ng apat sa mga treasure hunter habang patuloy pa ang search and retrieval sa tatlong iba pa habang isa naman ang masuwerteng nakaligtas.
Ang apat na nasawi ay kinilalang sina Rene Gan-ungunligan;Ramil Iligan; Casiano Tagunsulod Iligan; at Tata Salasay; pawang dinala na ang labi sa Poblacion 2, Santiago, Agusan del Norte.
Pinaghahanap ang tatlong iba pa na sina Jay- Jay Matanog; Rex Penig at isang tinukoy lamang sa alyas na Gang-gang ; pawang nasa hustong gulang at mga residente sa Surigao del Sur.Ang nakaligtas na si Alan Daging ang nagkuwento sa mga otoridad ang sinapit ng mga kasamahan.
Ang insidente ay inireport sa pulisya nito lamang Enero 22 ni Jasmin Iligan, negosyante, misis ng isa sa mga biktima hinggil sa pagte-treasure hunting ng kaniyang mister at mga kasamahan nito kung saan ang mga ito ay noon pang Enero 20 umalis na naglakbay may 20 kilometro mula sa highway ng Poblacion, Santiago, Agusan del Norte patungong kabundukan sa nasabing lugar pero hindi na nakabalik kaya labis silang nag-alala.
Nabatid na ang lugar ay nasa distansyang 4 kilometro kung lalakbayin ng 4 wheels vehicle at maliban dito ay maglalakad pa ng 17 kilometro na tinatayang aabutin ng 8-10 oras bukod pa sa tatawiring dalawang ilog kaya hindi agad naiparating sa pulisya ang impormasyon.
Ang landslide ay sanhi ng malalakas na pag-ulan sa CARAGA Region dulot ng pananalasa ng bagyong Amang kung saan lumambot ang lupa at natabunan ang grupo ng mga treasure hunter.
- Latest