Pananakot na ‘plunder’ case ni Cong. Andaya, kinondena
MANILA, Philippines — Binuweltahan ni Casiguran Mayor Edwin Hamor sa pamamagitan ng abogado niyang si Ryan Filgueras ang umano’y taktika nang pananakot ni House Majority Leader Rolando Andaya na nagbabantang magsasampa ng kasong plunder laban sa isang construction firm na pag-aari ng anak ng alkalde.
Kanila ring kinondena ang malisyosong pagkaladkad ni Andaya sa pangalan ng asawa ng alkalde na si Sorsogon Vice Governor Ester Hamor na biyenan naman ng isang anak ni Budget Secretary Benjamin Diokno.
Nilinaw ni Filgueras na ang Aremar Construction ay hindi pag-aari ni Ester Hamor na balae ni Diokno at wala itong kahit isang share of stock dito.
Nabatid na ang Aremar Construction firm ay pagmamay-ari ng anak ni Mayor Hamor na si Maria sa pagkabinata, bago pa ito ikinasal kay Vice Gov. Esther.
Sinasabi ni Andaya na hawak niya ang bank transaction receipts na nagpapakitang tinanggap ng Aremar ang mahigit P50 milyon bilang sosyo sa flood control project para sa Casiguran. Idinagdag niya na ang front contractor o dummies ay ginamit ng Aremar.
Idiniin ni Filgueras na ang paggamit ng dummies, kung totoo man, ay hindi predicate crime of plunder dahil walang malversation of public fund, walang tinanggap na suhol ng isang opisyal ng gobyerno, walang pagdispalko ng ari-arian ng pamahalaan, walang monopolyo at walang pagsasamantala sa official position.
Wala rin anyang batas na nagpaparusa sa paggamit ng bidding para sa public work project kaya hindi rin ito krimen.
- Latest