Bong Revilla hahatulan sa Disyembre 7
MANILA, Philippines — Nakatakdang maglabas ng hatol ang Sandiganbayan kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., sa Disyembre 7 kaugnay ng P224.5-million plunder case nito.
Ito ang inianunsyo ng Sandiganbayan First Division na may petsang Nov. 5 na nilagdaan nina Sandiganbayan Justices Efren Dela Cruz, Geraldine Faith Econg, at Edgardo Caldona.
Ito ang kauna-unahang gagawing hatol sa multi-billion pork barrel scam na ang utak umano ay ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
Si Revilla ay isa sa tinaguriang “PDAF-scam senators” na tumatakbo sa pagka-senador sa 2019 midterm elections, kabilang sina Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile.
Magugunita na noong June 2014, ay kinasuhan ang tatlong senador ng Office of the Ombudsman na may koneksyon sa multi-billion pesos Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel scam.
Si Revilla ay inaresto noong June 20, 2014 at kasalukuyang nakakulong sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City, habang sina Estrada at Enrile ay nakapagpiyansa at nakalaya na kung saan ay patuloy na dinidinig ang kanilang mga kaso.
- Latest