Sunog sa Malabon at Pasig
MANILA, Philippines - Nawalan ng kanilang mga bahay ang nasa 700 pamilya matapos tupukin ng apoy sa naganap na sunog kamakalawa ng gabi sa Brgy. Maysilo, Malabon City.
Sa ulat, dakong alas-7:31 ng gabi nang bigla na lamang sumiklab ang sunog sa isang bahay sa may Remedios Street at dahil dikit-dikit ang bahay at gawa lamang sa kahoy ay mabilis na kumalat ang apoy.
Dakong alas-10:43 ng gabi nang ideklarang fire-out ang sunog kung saan umabot sa 300 kabahayan ang tinupok ng apoy habang tinataya namang nasa P600,000 halaga ng ari-arian ang napinsala.
Umabot naman sa 75 pamilya ang nawalan ng bahay nang sumiklab ang sunog sa isang dalawang palapag na residential building sa Barangay Rosario, Pasig City kahapon ng alas-4:00 ng madaling araw.
Nabatid na ang sunog ay nagsimula umano sa unit ng isang Felino Medina, 67, ng Ortigas Avenue Extension ng nasabing barangay.
Halos isang oras ang naging sunog bago ito naapula na umabot na sa ikalawang alarma.
Tinatayang aabot sa P1.8 milyong halaga ng mga ari-arian ang naabo.
- Latest