90 taon kulong sa dating opisyal ng DECS
MANILA, Philippines - Posibleng sa kulungan na bubunuin ang nalalabing buhay ng isang dating opisyal ng Department of Education, Culture and Sports (DECS) na ngayon ay Department of Education (DepEd) matapos mapatunayang guilty sa limang counts ng malversation sa maanomalyang paglustay sa P6,554,500.00 pondo ng Fund for Assistance to Private Education (FAPE) mula 1994 hanggang 1995.
Bukod sa pagkakulong ay pinagmumulta din ng graft court ang akusadong si Adriano Arcelo, dating Undersecretary for Finance ng nooy DECS at kasalukuyang Presidente ng FAPE ng halagang P6,554,500.00 bilang civil liability.
Kapwa akusado ni Arcelo sa multiple counts ng kasong graft at malversation sina FAPE Vice President Roberto Borromeo, Investment Director Rosa Anna Duavit at Program Officer Corazon Nera.
Ayon sa Ombudsman prosecutors na mula 1994 hanggang 1995, si Arcelo ay nagkaroon ng personal loans mula sa FAPE funds na may kabuuang P6,554,500.00.
Nadiskubre rin ng Ombudsman na si Arcelo at iba pang akusado ay naglaan ng P50 million loan sa John B. Lacson Colleges Foundation, isang educational institution na pinangangasiwaan ng asawa ni Arcelo.
Ang multi-milyong loan ay nakuha sa tulong nina Borromeo, Duavit and Nera.
Ang FAPE ay isang government-owned foundation na nilikha noong 1968 sa ilalim ng Executive No. 156 para maglaan ng permanent trust fund na magpopondo sa iba’t ibang programa sa private education tulad ng scholarships, grants, faculty incentives at iba pang beneficial programs.
Sa ngayon, ang FAPE ay nasa ilalim ng Senior High Voucher Program ng DepEd na responsable sa pamimigay ng discount vouchers sa incoming Grade 11 sa ilalim ng K+12 program ng pamahalaan.
- Latest