14 patay, 71 sugatan sa Davao bombing ... State of lawlessness idineklara ni Digong
MANILA, Philippines – Matapos ang madugong pambobomba sa ‘night market’ kamakalawa ng gabi na kumitil ng buhay ng 14 katao habang 71 pa ang sugatan, nagdeklara na kahapon ng ‘state of lawlessness’ si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
“I am declaring now a state of lawlessness”. It is not martial law. It has nothing to do with the suspension of the writ of habeas corpus”, pahayag ni Duterte.
Dahil sa deklarasyon mas magkakaroon ng partisipasyon ang militar at pulisya sa mga aktibidad sa pagpapatakbo ng national government.
“I may invite uniformed personnel to run the country according to my specifications,” pahayag ng Pangulo na personal na nagtungo sa pinangyarihan ng pagsabog sa isang night market sa Roxas Avenue, Davao City.
Any punitive action that will be taken by the security forces will be in a bid to stop terrorism, giit pa ng punong ehekutibo.
Bilang tugon, nagdeklara na rin ng nationwide full alert status si PNP Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa lahat ng Regional Directors ng PNP upang palakasin pa ang police visibility at tiyakin ang seguridad sa kanilang mga nasasakupan.
“We are expected to suppress any for of lawlessness such as terror attacks. We have alerted all our units to be on full alert in relations to this attack”, ani dela Rosa na sinabing masama ang loob nila ni Pangulong Duterte sa pangyayari dahilan sa mahal na mahal nila ang lungsod ng Davao kung saan ay ‘diversionary tactics’ ang nakikita nilang motibo ng pagpapasabog bunga ng opensiba ng militar laban sa Abu Sayyaf sa Sulu pero iniimbestigahan pa ito.
Sa panig naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, sinabi nito na nasa ‘high alert’ na rin ang AFP troops partikular na sa urban centers upang pigilan ang posible pang paghahasik ng terorismo ng mga teroristang grupo matapos ang pambobomba sa Davao City.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa pagsabog sa night market sa kahabaan ng Roxas Avenue ng lungsod na kumitil ng buhay ng 14 katao habang 71 pa ang sugatan. Kabilang sa mga nasawi ay sina Daniel Larida, Melanie Faith Larida, Jay Adremesin, Rogelio Cagantas, Mercy Basilisco, Cristelle Decolongon, Ruth Merisido, Reynaldo Salvador, Eufemia Bischoco, Christian Denver Reyes, Evelyn Sobrecey at iba pa na inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Nanawagan din ang Kalihim sa publiko na manatiling kalmado, mahinahon at maging vigilante upang mapigilan ang banta ng terorismo.
Sa panig ni AFP Public Affairs Office Chief, Col. Edgard Arevalo, sinabi nito na nakahanda naman ang AFP troops sa anumang misyon na iaatang sa kanila kasunod naman ng idineklarang state of lawlessness ni Pangulong Duterte sa buong bansa.
“The continuing directive by the AFP Chief of Staff General Ricardo Visaya has been for our personnel to be vigilant and ready for any eventuality. The AFP is prepared to undertake any task that will be issued in regard to the declaration of “state of lawlessness” by the Commander in Chief President Rodrigo Duterte,” pahayag pa ni Arevalo.
Samantalang pinaigting na rin ang checkpoints at chokepoints sa mga entry at exit points sa Davao City at maging sa mga urban areas sa bansa na ‘soft target’ ng terror attacks.
- Latest