Bong Go sa brgy. officials: Ang tunay na paglilingkod ay paggawa ng tama
MANILA, Philippines — “Ang tunay na kahulugan ng paglilingkod ay ang paggawa ng tama sa anumang sitwasyon.”
Ito ang inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go sa harap ng mga opisyal ng barangay na nagtipun-tipon sa isang asembliya matapos niyang payuhan ang mga ito na pamunuan nang maayos at may malasakit ang kanilang mga nasasakupang komunidad tungo sa pag-unlad.
Bilang adopted son ng Pangasinan, sa harap ng mga pinuno ng barangay ng San Carlos City at Mangaldan na dumalo sa Liga ng mga Barangay assembly sa Baguio City, nangako si Go na patuloy ang kanyang suporta sa pagpapalakas sa mga opisyal ng barangay at pagpapabuti ng paghahatid ng serbisyo publiko sa grassroots.
At bilang nangungunang reelectionist sa darating na 2025 senatorial race, idiniin ni Go na kailangan ang gampanin ng mga pinuno ng barangay sa pagpapaunlad ng komunidad. Napakahalaga aniya ng kontribusyon ng mga ito sa paghubog ng matatag at tumutugong lokal na pamamahala dahil sila ang higit na pinagkakatiwalaan ng mga tao sa kanilang mga barangay.
Hinikayat niya ang mga lider ng barangay na patuloy na magsikap para sa kahusayan habang kanyang tiniyak sa kanila ang walang tigil niyang suporta, lalo kung bibigyan ng bagong mandato sa Senado.
- Latest