Picnic sa dagat:5 mag-anak nalunod
MANILA, Philippines - Napalitan ng trahedya ang masaya sanang picnic ng magkakamag-anak sa gitna ng dagat matapos na masawi ang lima sa kanila na kinabibilangan ng apat na bata matapos ang sinasakyan nilang bangka ay lumubog nang balyahin ng malakas na alon at hangin habang bumabaybay sa karagatan ng Surigao City, lalawigan ng Surigao del Norte kamakalawa.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Rene Sila, 34; Lysa Maricela Sila, 9; Jhon Laster Suan, 4; John Laster Sila, 2; at Charmel Cabasa, mag-iisang taong gulang.
Masuwerte namang nakaligtas sa trahedya ang lima pang kasama ng mga ito sa bangka matapos na masaklolohan ng ilang lokal na mangingisda.
Batay sa ulat na nakalap ng Office of Civil Defense (OCD) Region 13, mula sa Philippine Coast Guard at CARAGA Police, bago nangyari ang insidente bandang alas-11:00 ng tanghali sa karagatan malapit sa Manjagao Island, Surigao City ay sakay ang mga biktima ng bangka para magtungo sana sa kanilang fish cage para mag-picnic nang mangyari ang trahedya.
Nabatid sa salaysay ng mga survivors na binalya ng malalakas na alon at hangin ang sinasakyan nilang bangka hanggang sa pasukin ng tubig at lumubog.
Mahigit dalawang oras nagpalutang-lutang sa dagat ang mga survivors kasama ang nasabing mga nasawi bago nasagip.
- Latest