P5.5-M reward ni Digong sa makakapatay ng drug lords sa Cebu
MANILA, Philippines - Nasa P5.5 milyong reward ang inialok ni President-elect Rodrigo Duterte sa sinumang makakapatay ng drug lord sa Cebu.
Ito ang inihayag ni Duterte sa pagdalo nito sa thanksgiving party na inorganisa ng kanyang Presidential Assistant for Visayas na si Mike Dino na ginanap kamakalawa ng gabi sa Cebu Country Club sa Cebu City.
“Ang sa Cebu kay buotan man ang mga tao diri. May premium P5,500,000,” wika pa ni outgoing Davao City Mayor Duterte sa may 300 katao na dumalo sa thanksgiving party.
Sinabi pa ni President-elect Duterte, ang kanyang apela at request sa mga drug lords na ito ay tumigil na sila para walang gulo.
“I plead for you to stop fucking this country and we will be alright. Wala tayong problema,” dagdag pa ni Duterte sa kanyang 40-minutong mensahe kamakalawa ng gabi.
Ibinunyag pa ng susunod na pangulo ng bansa, may alam siyang mga kaso kung saan ang mga pulis na sangkot sa anti-drug operations ay hindi idinedeklara ang actual volume ng droga na kanilang nakumpiska.
Idinagdag pa ni Duterte, dapat itigil na ng mga pulis na ito ang kanilang masamang gawaing ito bago pa man siya umupo sa Malacañang.
Nagbabala din ito sa New Bilibid Prison at lahat ng jail personnel sa bansa na itigil na din ng mga ito ang drug smuggling sa loob ng kulungan at huwag na nilang hintayin siya pa ang gumawa ng aksyon laban sa kanila.
Humingi din ng paumanhin ang president-elect sa mga Cebuanos na hindi nakapasok sa venue ng Cebu Country Club dahil sa mahigpit na ipinatupad na seguridad ng Presidential Security Group (PSG).
Nilapitan ni Duterte ang mga tao sa labas ng venue upang kamayan ang mga ito at magpasalamat sa ibinigay na pagtitiwala sa kanya ng mga Cebuanos sa nakaraang halalan.
Ito ang unang pagkakataon na makalabas ng Davao City si Duterte matapos siyang manalo sa elections.
- Latest