3 tiklo sa pekeng P36-M
MANILA, Philippines – Tatlo-katao ang naaresto matapos bumili ng US$7 milyon gamit ang pekeng tseke na P36 milyon mula sa isang negosyante sa Makati City kamakalawa.
Nakatakdang kasuhan ang mga suspek na sina Arthur Pimentel, 48, negosyante, ng 4th Lafayette Condominium, EastWood; Rolando Manacap Jr., 39, buy and sell trader, ng #43 K-7th St., Kamias Street; at si Dave Marcos, 35, ng #20 Gen Wood Street, Del Monte, Quezon City.
Sa police report na natanggap ni P/Senior Supt. Ernesto T. Barlam, hepe ng Makati City PNP, sa follow-up operation, nadakip ng kanyang mga tauhan ang mga suspek bandang alas-4 ng hapon sa Pearl Bank Center sa #146 Valero St., Salcedo Village, Barangay Bel-Air.
Ang mga suspek ay inireklamo ng biktimang si Rolando Medestomas, 55, Barangay Pembo, Makati City.
Nag-ugat ang reklamo matapos bilhin ng mga suspek ang US$760,000 na binayaran ng tsekeng nagkakahalaga ng P36,000,000 kung saan nagbigay naman ito ng paunang P500,000 sa tatlo.
Subalit, nang papalitan na ni Medestomas ang tseke sa sangay ng UCPB sa Tordesillas Street, Salcedo Village ay peke pala ito.
Kaagad na nagtungo ang biktima sa tanggapan ng Theft and Robbery Section, ng Makati City PNP upang ireklamo ang mga suspek.
- Latest