Marcos suportado ang pagpapatupad ng NCAP

MANILA, Philippines — Suportado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) na ipinatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa mga pasaway na motorista.
Sa kaniyang BBM podcast, sinabi ng Pangulo na maganda ang layunin ng NCAP dahil madidisiplina ang mga pasaway na motoristang sumunod sa batas trapiko at mababawasan din ang korapsyon.
Taliwas aniya ito sa pananaw ng ilang motorista na magiging gatasan lang ng mga pulis at traffic enforcer ang NCAP.
“In principle agree ako diyan sa no contact. Maganda ang layunin n’yan, yung masunod ang rules of the road na hindi tayo kung anu-anong ginagawa natin and then bawas corruption,” saad ng Pangulo.
Kapag aniya nahuli ng pulis ang isang motorista, aminin man o hindi ay may nakasiksik na pera sa lisensya para hindi na matiketan kaya mas maganda ang NCAP dahil ang paglabag ay ibabase sa nakunan sa CCTV.
Paliwanag pa ng Pangulo, kapag nagbayad ng multa ay hindi tao ang tatanggap kundi diretso mismo sa sistema.
- Latest