Walang ISIS sa Pinas-AFP
MANILA, Philippines – ‘Walang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa Pilipinas’.
Ito ang pinandigan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa gitna na rin ng pahayag ng Indonesian authorities na kabilang ang Pilipinas sa lugar na may terror cell ang ISIS matapos ang ‘terror attack’ sa Jakarta, Indonesia noong Huwebes na kumitil ng buhay ng pito katao habang 24 pa ang nasugatan sa serye ng pambobomba doon.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, ang mga lokal na armadong grupong naghahasik ng karahasan sa Pilipinas ay nagpapanggap lamang na ISIS at hindi kaalyado ng naturang international terrorist.
Kabilang dito ang grupo ni Abu Sayyaf Group Commander Isnilon Hapilon na sa ipinakalat na video ay nakipag-alyansa na umano sa ISIS pero ayon sa mga opisyal ay luma ang video footage at bahagi lamang ito ng propaganda ng mga bandido.
Maging ang grupo ng Ansarul Khalifa na ang walong miyembro ay pawang mga ‘ISIS inspired’ lamang umano na napaslang sa engkuwentro sa Sultan Kudarat noong huling bahagi ng nakalipas na taon ay hindi rin mga ISIS, kundi nais lamang sumakay sa pamamagitan ng propaganda sa nasabing international terrorist group.
Nabatid naman sa mga opisyal ng militar sa Sulu na maging sa lalawigan kung saan sinasabing nagpupulong at nagsisipagtago ang ISIS kasama ng mga bandidong Abu Sayyaf ay wala umano silang namomonitor na presensya ng lehitimong grupo manapa’y mga nagsisipagbalat kayo o nagpapanggap lamang.
Idinagdag pa nito na upang masupil ang terorismo ay dapat na maging vigilante ang lahat at importante rin na makipagtulungan ang mamamayan sa mga otoridad.
- Latest