Patuloy na ipagdasal kalayaan ni Tatay Digong - Bong Go
MANILA, Philippines — “Huwag tayong tumigil hanggang makauwi siya, ipagdasal natin ang kanyang kalusugan, kaligtasan at kalayaan!”
Ito ang naging panawagan ni Senator Christopher “Bong” Go sa sambayanang Pilipino para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakakulong sa The Hague sa Netherlands.
Sa kanyang pagbisita sa mga nasunugan sa Quiapo, Maynila para tumulong sa mga pamilyang naapektuhan, idiniin ni Go ang kanyang malalim at dekadang relasyon, ang kanyang katapatan sa hirap man o sa ginhawa sa dating pangulo.
“Wag po tayong tumigil hanggang siya ay makabalik rito. Alam n’yo, higit pa sa tatay ang turing ko sa kanya. Magkasama po kami sa nakaraang 25 years. Sobra pa sa kalahati ng buhay ko. Magkasama kami ni Tatay Digong since 1998... Ninong ang aking lolo ni Tatay Digong,” aniya.
Sinabi ni Go na gustong-gusto niya puntahan si Duterte sa Netherlands subalit hindi pinapahintulutan ng mga sitwasyon.
“Gano’n po ako kalapit kay Tatay Digong kaya masakit po sa akin na nami-miss ko na po s’ya. Sa totoo lang, gusto kong pumunta rin po roon para bumisita sa kanya noon pa. Ngunit hindi pa po kami pinayagan na makabisita roon. Kaya sa ngayon po, sulat lang po ako. Nagsusulat sa kanya, sa kanyang pamilya, pinapadala po namin. Pero patuloy po ang ating pananalangin.”
- Latest