Para maiwasan ang pag-abuso sa mga motorista... Pulis bidyuhan sa checkpoint
MANILA, Philippines – Kaugnay nang pag-uumpisa ng election gun ban ay hinikayat ng Northern Police District (NPD) ang mga motorista na magsagawa ng “video recording” sa mga police checkpoints.
Ito ang inihayag ni NPD acting Public Information Officer, Supt.Ariel Fulo upang matiyak ang legalidad ng mga checkpoints at para magbantay ang publiko sa posibleng mga pag-abuso.
Sinabi ni Fulo na nagtatag na ng magkakahiwalay na checkpoints ang kanilang puwersa laban sa mga iligal na armas partikular sa mga lugar na kilalang mataas ang antas ng krimen.
Tiniyak ni Fulo na susunod sila sa mga “operating procedures” sa pagsasagawa ng checkpoints na dapat ay nasa maliwanag na lugar, may mga sapat na “signages”, nasa tamang uniporme at magagalang ang mga pulis na magmamando nito.
Hinikayat nito ang mga motorista na agad ireport kung may nagaganap na pag-abuso sa mga pulis o kaya ay kunan ng video ang proseso ng pagsita sa kanila bilang ebidensya sa magkabilang panig.
Hindi rin pinapayagan ang mga pulis na pababain ang sakay ng mga kotse at buksan ang compartment kung walang pahintulot sa may-ari ng sasakyan na ipinatutupad rin ito maging sa mga nakamotorsiklo.
- Latest