Election officer, mister todas sa ambush
MANILA, Philippines — Kapwa nasawi ang isang municipal election officer at mister nito makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Makir, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina Atty. Bai Maceda Lidasan-Abo, Municipal Election Officer ng Datu Odin Sinsuat at mister nitong si Jojo Abo.
Sa pinagsamang ulat ng Maguindanao del Norte Police at ng Joint Task Force Central Mindanao, alas-8:30 ng umaga ay lulan ang mag-asawa ng kanilang SUV na minamaneho ni Jojo na bumabagtas sa nasabing lugar at patungo sa kanilang tanggapan sa Brgy. Dalican, Datu Odin Sinsuat nang tambangan ng mga armadong lalaki na pinaulanan ng bala.
Binawian ng buhay sa pinangyarihan ng insidente si Jojo habang ang misis nito ay nasawi naman bandang alas-10:00 ng umaga o ilang oras matapos na isugod sa Cotabato City Hospital.
Agad namang ipinag-utos ni P/Brig. Gen. Romeo Macapaz, Regional Director ng Bangsamoro Autonomous Region Police ang malawakang manhunt operations laban sa mga suspect. - John Unson, Rhoderick Beñez, Mer Layson
- Latest