Ina, 2 anak nilamon ng lupa
MANILA, Philippines – Nilamon ng lupa ang isang ina at dalawa nitong anak matapos matabunan ang kanilang bahay sa naganap na landslide dahil sa walang humpay na pagbuhos ng ulan sa Brgy. Tanauan, Real, Quezon kahapon.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Normita Lastimosa, 34; Joan Lastimosa, 10 at Joylyn Lastimosa, 5.
Batay sa ulat na natanggap ni Sr. Inspector Henry Luna ng Real Police, bandang ala-1:00 ng hapon naganap ang pagguho ng lupa sa nasabing barangay.
Bago ito ay nakaranas ng malalakas na pagbuhos ng ulan ang lugar at kasunod ay pagguho ng lupa sa bundok na tumabon sa may apat na kabahayang nasa paanan nito.
Napuruhan sa landslide ang bahay ng pamilya Lastimosa habang nagtamo rin ng pinsala ang mga kapitbahay nito mula sa pamilya Resplandor, Bello at Lumabe.
Masuwerte namang nakaligtas sina Virginia Pia, 36; Jerine Lastimosa, 13; John Mark Lastimosa, 15 at John Carlos, 8.
Patuloy ang search and retrieval operation sa lugar habang pinag-iingat rin ang mga residente sa posible pang mga pagguho ng lupa sanhi ng low pressure area at amihan na nagdudulot ng malalakas na pag-ulan sa lugar.
- Latest