Autoshop hinoldap: 3 sasakyan, 2 vault tangay
MANILA, Philippines – Pinasok ng pitong armadong kalalakihan ang isang autoshop at dito ay iginapos ang dalawang guwardiya at dalawang kawani bago tinangay ang tatlong sasakyan at dalawang vault na naglalaman ng mga tseke at pera kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Batay sa ulat, ganap na ala-1:51 ng madaling araw habang ang mga security guard na sina Jorge Medel at Wendel Lumabao ay nagbabantay sa DK Motors na matatagpuan sa no. 393 Mindanao Avenue, Barangay Tandang Sora nang dumating ang isang Honda CRV (UIT-818) na kulay gold at bumaba ang isa sa mga lalaking sakay nito na nagpanggap na customer.
Biglang pinuwersa ng lalaki na buksan ang metal roller barriers ng autoshop saka biglang pinarada ang kanilang sasakyan sa loob ng compound ng authoshop.
Tinutukan ng baril sina Medel at Lumabao bago iginapos ng duck tape at gayun din ang ginawa sa dalawang kawani na sina Jerome Paster, electrician, at Wilson Lentija, maintenance.
Matapos maigapos ang apat na biktima ay sinimulan na ng mga suspek ang paglimas sa opisina ng autoshop at tinangay ang isang Hyudai Tucson (TPI-911), Toyota Cambri (ZNC-231), Honda CRV (VRB-343), dalawang safety vault na naglalaman ng hindi pa madeterminang halaga ng assorted checks at cash money; at apat na CPUs, monitors at CCTV.
- Latest