DSWD dapat magplano laban sa pagkabulok ng relief goods-Tolentino
MANILA, Philippines – Iginiit ng isang concerned group at senatorial candidate Francis Tolentino sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bumuo ng plano para hindi na maulit ang pagkabulok ng libu-libong sako ng bigas at iba pang relief goods na ibinaon na lamang sa isang sa barangay sa lalawigan ng Leyte.
Kinuwestiyon ng Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) ang kapabilidad ng DSWD sa pamamahagi ng relief goods sa tamang oras sa mga pamilya na apektado ng mga kalamidad habang nanawagan naman si Tolentino na bigyan ng kapangyarihan ng nasyunal na gobyerno ang mga lokal na pamahalaan para sa “disaster preparedness”.
Ayon kay FATE secretary general Benjamin Peralta na magaling lang tumanggap ng donasyon ang DWSD ngunit hindi alam kung paano nila ito ipaparating ang tulong sa mga biktima ng kalamidad at kinuwestyon ang ahensiya kung paano hinawakan ang mga donasyon ng ibang bansa sa mga nakaraang kalamidad.
Ayon sa grupo na dapat ay may tamang sistema ang pamahalaan sa distribusyon ng mga relief goods at kung hindi kaya ng DSWD ay dapat ilipat ito sa ibang ahensya o tao na may kapabilidad na siyang isinusulong ni Tolentino na tututok sa “disaster recovery management”.
Magugunita na nasa 2,800 sako ng bigas ang natagpuang nakabaon sa lupa sa isang barangay sa Dagami, Leyte na may tatak ng National Food Authority (NFA) at DSWD na ipamamahagi sana matapos ang pananalasa ng bagyong Ruby.
Idinagdag pa ni Tolentino na hindi sana nasayang ang mga relief goods kung nagkaroon ng agarang koordinasyon sa mga lokal na opisyales para sa pamamahagi.
- Latest