Original members ng LP lumipat na sa UNA
MANILA, Philippines – Lalong lumakas ang puwersa ng United Nationalist Alliance (UNA) ni Vice President Jejomar Binay matapos na magsilipatan sa kanyang partido ang mga orihinal na miyembro ng Liberal Party (LP) ng administrasyon na nakaranas ng hindi magandang pagtrato sa sariling partido.
Ayon sa Office of the Vice President (OVP), nanumpa nitong Biyernes para umanib sa UNA sina Pantao Ragat Mayor Eleanor Dimaporo-Lantud na tumatakbo sa pagka-gobernador; Munai Mayor Muammar Maquiling, kinatawan ng District 1; Balo-i Mayor Hanifa Ali, kinatawan ng District 2; at 24 iba pang kandidato sa lalawigan ng Lanao.
“Kami ang original na Liberal Party sa Lanao del Norte. Narito kami ngayon sa party ni VP Binay dahil dito namin nakikita ‘yong mabuti at saka matuwid na landas,” ayon kay Dimaporo-Lantud.
Hindi naman naiwasan ng mga dating LP members na magpasaring sa kanilang inalisang partido.
“Doon sa kabila, hindi na ako naniniwala na may matuwid na daan. Baluktot na daan na ngayon,” tahasang pahayag ni Dimaporo-Lantud.
Si Dimaporo-Lantud ay ang anak na babae ni dating Caromatan Mayor Sultan Naga Dimaporo, kapatid ni congressman Mohammad Ali Dimaporo.
Ikinuwento ni Dimaporo-Lantud kay Binay na siya at iba pang LP members sa Lanao ay nadismaya sa ginawang hindi magandang pagtrato sa kanila ng LP nang sila ay magtungo sa LP headquarters.
“Kahapon, naroon kami sa Balay, sa headquarters ng Liberal Party. Padaan-daan lang ‘yong mga tao na parang ‘di ka nila kilala. Lumalabas ‘yong totoong ugali ng mga taga-Liberal Party. Lumabas din ‘yong ugali nila na manggagamit sila ng tao. Ginamit nila kami since 2010 at 2013. Hindi sila marunong magbayad ng utang na loob,” ayon kay Dimaporo Lantud.
“Alam naman nila na may original LP sa Lanao del Norte. May bagong pumasok lang tulad ni Governor Khalid Dimaporo. Pamangkin ko ‘yon sa first cousin. Hindi na nila kami kilala na original Liberal Party sa Lanao del Norte. Masakit ‘yon,” dagdag pa ng alkalde ng Pantao Ragat.
Si Gov. Khalid Dimaporo ay nagsisilbi sa kanyang ikatlo at huling termino sa Lanao del Sur.
Naglabas pa ng hinanakit ang Dimaporo-Lantud laban sa umano’y panggagamit sa kanila ng LP at sa pagiging walang utang na loob.
- Latest