P.2-M reward sa bus bomber
MANILA, Philippines – Inihayag kahapon ng militar na ang mga bandidong Abu Sayyaf Group urban terror squad sa pamumuno ni Abdul Aziz ang nasa likod ng pambobomba sa Biel Transit (JVN-978) na may body number 1641 sa terminal sa Zamboanga City noong Biyernes na ikinasawi ng isang tao at pagkasugat ng 33 iba pa.
Ayon sa report ni Col. Nixon Fortes, Commander ng Task Force Zamboanga na kasalukuyang nagbababa ng pasahero ang nasabing bus sa Labuan terminal sa Murga compound, Brgy. Zone 1 ng lungsod nang maganap ang pagsabog ng bomba na itinanim sa likod ng ikatlong upuan dakong alas-2:15 ng hapon.
Ang nasawi ay kinilalang si Fatima Alipara, 14-anyos na idineklarang dead on arrival sa Zamboanga City Medical Center.
Sa 33 nasugatan ang tatlo dito ay nasa kritikal na kondisyon kabilang ang isang babaeng estudyante sa kolehiyo na si Criss Anne Escariz, 17-anyos. Ang mga biktima ay patuloy na nilalapatan ng lunas sa iba’t ibang pagamutan sa lungsod.
Nabatid ang motibo nang pambobomba ay humihingi ng malaking halaga ang grupo ni Abdul Aziz sa may-ari ng Biel Transit at kung hindi umano magbibigay ay isasabotahe ang negosyo nito.
Samantala, nagpalabas na kahapon ng P200,000 reward ang pamahalaang lungsod para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaresto ng grupo ni Abdul Aziz.
Bumuo na rin ang pulisya ng Task Group sa pamumuno ni City Police Director P/Sr. Supt. Angelito Casimiro upang magsagawa ng masusing imbestigasyon sa kaso.
Ginagawa na ng pulisya ang cartographic sketch ng pinaghihinalaang bomber sa pamamagitan ng paglalarawan ng mga testigo at video records na nakunan sa Closed Circuit Television (CCTV) camera na nakakabit sa terminal ng Brgy. Zone 1 ng lungsod kung saan sumabog ang bomba na itinanim sa bus habang nagbababa ito ng mga pasahero.
- Latest