P10 roll back sa pamasahe sa taxi epektibo pa rin
MANILA, Philippines – Nanatiling epektibo ang pinapatupad na P10 roll back sa pamasahe sa mga taxi sa buong kapulungan, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kahapon.
Sa kanilang twitter account, iginiit ng LTFRB na mananatiling may bawas na P10 ang dapat na ibayad ng mga pasahero ng taksi at ito ay dapat ibigay ng mga driver.
Kailangan lamang na humingi ng resibo ang pasahero para maipakita ang dapat bayaran o kung ibinalik ba ang P10 diskwento base sa umiiral na regulasyon.
Samantala, sa kabila ng ipinatupad na regulasyon, marami pa rin sa mga pasahero ang hindi naniniwalang ipinapatupad ito dahil na rin sa kawalan ng sistema sa roll back.
Hindi naman ipinapatupad ng karamihang taxi driver ang roll back dahil P40 pa rin ang flag down na sinisingil sa pasahero.
Nahihirapan din ang mga pasahero dahil kadalasan ay galit pa ang mga taxi driver at hindi makapagbigay ng resibo kapag iniuungkat ang roll back na P10.
Gayon pa man, hiling ng mga commuter sa LTFRB na aksyunan ang nasabing problema dahil hayagang paglapastangan ng mga taxi na karamihan ay hindi sumusunod sa P10 roll back.
- Latest