Ex-BFAR chief Gongona, swak sa graft
MANILA, Philippines — Tuloy ang mga kasong graft laban kay dating Agriculture Usec. at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) National Director Eduardo B. Gongona kaugnay ng kontrobersiyal na P2-bilyong vessel monitoring system (VMS) project. Ito ay matapos ibasura ng Office of the Ombudsman ang dalawang mosyon ni Gongona na humihiling ng muling pag-aralan ang resolusyong may petsang Pebrero 5, 2024. Ang resoluyon ay nag-aatas ng pagsasampa ng kaso laban sa kanya at sa dalawa pang akusado para sa dalawang bilang ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o “Anti-Graft and Corrupt Practices Act”, at tig-isang bilang ng paglabag sa Sections 3(g) at 3(j) ng parehong batas.
Sa 13-pahinang kautusan na aprubado ni Ombudsman Samuel R. Martires noong Oktubre 2, ibinasura ang mosyon ni Gongona dahil sa kawalan ng legal na basehan. Ayon sa Ombudsman,hindi nakapagbigay si Gongona ng bagong ebidensiya na makakapagpabago sa naunang desisyon, at wala rin siyang naipakitang pagkakamaling legal o iregularidad na magbibigay-katuwiran upang baligtarin ito. Nauna nang inihayag ng Ombudsman na may probable cause upang kasuhan sina Gongona, dating BFAR National Director Demosthenes R. Escoto, at Simon Tucker, CEO ng UK-based SRT Marine Systems Solutions Ltd. (SRT-UK), kaugnay ng umano’y iregular na pag-award ng kontrata sa SRT-UK para sa Phase 1 ng Integrated Marine Environment Monitoring System Project o PHILO Project. Layunin ng PHILO Project na maprotektahan ang yamang-dagat at malabanan ang ilegal na pangingisda sa exclusive economic zone ng bansa gamit ang VMS para sa malalaking komersiyal na sasakyang pangdagat.
- Latest