Mag-ina, tepok sa sunog sa Cebu
MANILA, Philippines — Isang mag-ina ang nasawi matapos na makulong ng apoy sa nasusunog nilang bahay, kamakalawa sa lalawigan ng Cebu.
Sa report ng Cebu Fire Marshal, kinilala ang nasawi na sina Mylene Lubanga, 33; at anak nito na si Regil Kent Lubanga makaraang masunog ang kanilang bahay, pasado alas-12:00 ng madaling araw nitong Disyembre 30.
Sa inisyal na imbestigasyon, pasado alas-8:00 ng gabi ng mag-brownout sa Sitio Nangka, Brgy, Ilihan sa bayan ng Tabogon bunsod upang magsindi ng kandila ang pamilya.
Base sa teorya ng mga imbestigador, ang kandila ay inilagay sa plastic na upuan kung saan posible umano itong nadikit sa kurtina na siyang pinagmulan ng sunog.
Nagawa pang makalabas ng ginang ng magising ito na nababalutan ng makapal na usok ang kanilang tahanan pero ng makitang wala ang kaniyang anak ay muling bumalik sa loob ng nasusunog na bahay at dito’y nadiskubreng nagtago sa loob ng cabinet ang anak at nabigo silang makalabas ng bahay.
- Latest