NPA terror plot nasilat
MANILA, Philippines - Malaki ang paniniwala ng militar na nasilat nila ang ‘terror plot’ ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Semana Santa matapos marekober ang mga armas pandigma at pampasabog sa naganap na engkuwentro sa Purok 3, Brgy. Andap, New Bataan, Compostela Valley kahapon.
Sa ulat ni 1st Lt. Vergel Lacambra, Spokesman ng Army’s 10th Infantry Division (ID), na bago nangyari ang bakbakn bandang alas-8:00 ng umaga sa nasabing lugar ay una nang ipinag-utos ni Major General Eduardo Año, Commander of the 10TH Infantry Agila Division ang pagpapalakas ng security measures laban sa NPA rebels kaugnay ng nabulgar na plano ng mga itong maghasik ng terorismo kaugnay ng kanilang ika-46 taong anibersaryo sa Marso 29 at paggunita sa Semana Santa umpisa Marso 30 hanggang Abril 5.
Nabatid na nagresponde sa lugar ang tropa ng mga sundalo nang makatanggap ng impormasyon na nangha-harass ng mga sibilyan ang mga rebelde.
Nagkaroon ng 30 minutong putukan sa pagitan ng tropa ng Army’s 66th Infantry Battalion (IB) at ng mga rebelde hanggang sa mapilitang magsiatras ang mga rebelde bitbit ang mga sugatan sa kanilang panig.
Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang mga backpacks, improvised landmine, dalawang VHF radio, dalawang bandoliers, dalawang magazine para sa M16, magazine ng AK 47 rifle, mga subersibong dokumento at mga personal na kagamitan.
- Latest