2 custodial officers ni Bong at Jinggoy kakasuhan na
MANILA, Philippines - Pinasasampahan ng kasong administratibo at kriminal ang dalawang custodial officers matapos na mabuking ang pagpuslit sa Philippine National Police-Custodial Center nina Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at Senador Jinggoy Estrada na dumalo sa birthday party ni Senador Juan Ponce Enrile noong Pebrero 14.
Pirmado ni PNP–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Benjamin Magalong ang rekomendasyon ng pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban kina Supt. Eulogio Fabro, Chief ng PNP –Custodial Center at Sr/Insp. Cecilia Tapaoan, duty officer .
Habang inabsuwelto naman sa anumang kaso ang sinibak na Director ng Headquarters Support Service (HSS) P/Chief Supt. Alberto Supapo at lima pang custodial officer kaugnay sa nakitang irregularidad sa pagtakas nina Bong at Jinggoy sa kanilang selda.
Magugunita na nong Pebrero 14 ay kapwa nagpahatid sa emergency room ng PNP General Hospital sina Revilla at Estrada dahil umano sa migraine at pataas ng blood pressure ng huli. Ngunit pareho rin naman na dumiretso sa Specialty Ward kung saan ginaganap ang birthday party ni Enrile.
Batay sa resulta ng imbestigasyon ng PNP -CIDG, tila nagsabwatan sina Fabro at Tapaoan para i-fascilitate ang pagbisita ni Revilla at Jinggoy kay Enrile. Si Supapo naman ay naabsuwelto dahil tumugon lang ito sa pangangailangang medical ng mga senador sa pagbibigay ng clearance kina Fabro at Tapaoan.
Nabatid pa na inirekomenda rin sa resulta ng imbestigasyon na iabsuwelto sa kaso sina Chief Inspector Duds Raymond Santos, PO2 Marlo Bello, PO2 Rico Padilla, PO2 Dennis de los Santos at PO1 Joselito Olayvar.
- Latest