12 Bilibid gang leaders binartolina
MANILA, Philippines - Ipinabartolina ni Justice Sec. Leila de Lima ang 12 gang leaders sa Maximum Security Compound sa loob ng National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City makaraang maganap na pagsabog ng granada na ikinasawi ng isang preso na nakilalang si Jojo Sampo ng Commando Gang at pagkasugat ng 19 iba pa.
Anya, kailangan munang i-isolate ang mga gang leaders dahil ang mga ito ang siyang sinusunod ng kanilang mga kasamahan sa kulungan at dapat bigyan ng pagdisiplina ang mga ito dahil mas lalong binabaon sa kontrobersiya ang Bureau of Corrections (BuCor).
Nagtataka si De Lima kung bakit may ganung uri ng armas na ginamit at nangangahulugan na may mga nakatago pang mga armas sa loob ng piitan.
Nagbigay ng dalawang oras na palugit si De Lima sa mga gang leaders na ilabas ang mga nakatago pang armas at pagkatapos ng palugit na hindi inilabas ang mga nakatagong armas ay ipinabartolina na ang mga ito.
Hinala ni De Lima na diversionary tactics ang pagsabog dahil posibleng nais lamang na lituhin ng mga responsable sa pagsabog ang kanilang isinagawang imbestigasyon sa mga kinasasangkutan ngayon ng Bucor.
Muling sinalakay ang mga piitan at muling nakasamsam ng matataas na kalibre ng baril, pampasabog, bala, sumpak, patalim, aircon units, flat screen TV, computer, refrigerator at DVD players.
- Latest