Opisyal ng army, 2 pa patay sa NPA
MANILA, Philippines – Sinamantala umano ng mga NPA rebels ang idineklarang unilateral ceasefire ng AFP nang pagbabarilin ang tatlong tropa ng pamahalaan kabilang ang isang opisyal ng Army kahapon ng umaga sa Brgy. Candinuyan, Mabini, Compostela Valley.
Sa ulat ni Lt. Vergel Lacambra, Spokesman ng Army’s 10th ID ang mga nasawi ay tinukoy sa pangalan na Lt. Bautista, Pfc. Amor at CAA Ronel Baluca ng Army’s 71st Infantry Battalion.
Batay sa ulat, dakong alas-9:45 ng umaga ay magkakaangkas sa motorsiklo ang tatlo at patungo sana sa Brgy.Antipan ng bayang ito para sa kanilang Christmas break nang harangin ng mga rebelde at pagbabarilin.
Nagresponde sa lugar ang tropa ng Army’s 71st IB at narekober ang bangkay ng tatlong biktima na pawang tadtad ng mga tama ng malalakas na kalibre ng armas sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ang AFP ay nago-obserba sa idineklarang 1 buwang unilateral ceasefire sa NPA rebels na nag-umpisa noong Disyembre 18, 2014 ng hatinggabi at tatagal hanggang Enero 19 ng susunod na taon.
Habang ang Communist Party of the Philippines (CPP) ay 10 araw lang na tigil putukan mula Disyembre 24, 25 at 26 at mula Disyembre 31, 2014 at Enero 1, 2005 para sa kapaskuhan at mula naman Enero 15 hanggang 19 ng susunod na taon.
- Latest