Military truck nabangin: 4 todas
MANILA, Philippines - Nasawi ang tatlong miyembro ng Philippine Marines at isang civilian employee habang anim pa ang nasugatan nang ang kanilang sinasakyang military truck ay nahulog sa bangin kahapon ng umaga sa zigzag road ng Ternate, Cavite.
Tumanggi muna na tukuyin ang pangalan ng mga nasawing biktima dahil kailangan pang impormahan ang pamilya ng mga ito.
Sa ulat na natanggap ni Marine Col. Edgard Arevalo, spokesman ng Philippine Navy, dakong alas-9:30 ng umaga ay sakay ang siyam na personnel ng 3rd Philippine Marine Corps at isang empleyadong sibilyan ng M35 (six by six) truck at pabalik na sana sa Marine Base Gregorio Lim matapos mamalengke nang mangyari ang aksidente.
Nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver pagdating sa zigzag road ng Kantuba Hill na umanoy dahilan para ito ay mahulog sa bangin na tinatayang nasa 40-50 talampakang lalim.
Dalawa sa mga enlisted Marine at isang sibilyan ang agad nasawi habang ang isang sundalo ay idineklarang dead-on-arrival sa San Lorenzo Hospital sa Naic, Cavite.
“We mourn the loss of 3 Phil Marine Corps personnel and a civilian employe who are all stationed in Marine Base Gregorio Lim in Ternate, Cavite”, pahayag ni Arevalo.
Ang anim pang miyembro ng Philippine Marines na nasugatan ay kasalukuyan ng ginagamot sa Station Hospital at sa San Lorenzo Hospital sa Naic, Cavite at nasa mabuti nang kalagayan.
- Latest