US Marine kakasuhan ng murder sa pagpatay kay ‘Jennifer’
MANILA, Philippines - Nakatakdang kasuhan ng murder ang US Marine na responsable sa pagpatay sa isang Pinoy transgender na naka-date nito sa Olongapo City, Zambales noong Sabado ng gabi.
Kinilala ang nasabing suspek na si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton, miyembro ng US Marine Corps 2nd Battalion 9th Marines na nakabase sa Camp Lejuene, North Carolina sa Estados Unidos.
Ang suspek ay positibong itinuro ng testigo na siyang pumatay sa 26-anyos na transgender na si Jeffrey Laude alyas Jennifer sa inupahang kuwarto ng Celzone Lodge, Magsaysay Drive, Olongapo City.
Nakasubsob ang mukha sa inidoro na nagtamo ng mga pasa sa mukha at iba pang bahagi ng katawan, may bakas ng sakal sa leeg ay nadiskubreng hubo’t hubad sa Room 1 ng nasabing lodging house noong Oktubre 12 ng madaling araw si Laude.
Isang joint investigation ang inilunsad kasama ang ilang representative ng US-National Criminal Investigation Service na pinamumunuan ng mismong NCIS attache na ayaw naman pangalanan dahil sa kahilingan na rin na huwag banggitin ang pangalan nito.
Kasalukuyan nasa ay kustodiya na ng US military ang nasabing suspek partikular ng kaniyang Commanding Officer.
Si Pemberton ay sakay ng USS Peleliu na isa sa mga warship ng Estados Unidos na nakilahok sa katatapos lang na PHIBLEX 15 PH-US joint military exercises.
Samantala, binigyan ng kasiguraduhan ng Malacañang ang pamilya ng pinaslang na transgender sa Olongapo City na makakamit nito ang hustisya kasabay ang proteksyon ng pamilya nito.
Ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr. sa media briefing na mismong si Pangulong Benigno
Aquino III ay nagbabantay sa kaganapan sa pagpaslang kay Laude.
Pinigil namang makaalis ang barko sa Pilipinas kung saan ay nakasakay ang suspek na si Scott kasabay ang paniniguro ng US Embassy ng
kanilang kooperasyon sa isinasagawang imbestigasyon sa pagpatay sa transgender.
Mismong si US Ambassador Philip Goldberg ang naniguro na makikipagtulungan sila sa gobyerno sa imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay ng pagpaslang sa transgender kasabay ng pakikiramay nito sa pamilya.- Joy Cantos, Rudy Andal
- Latest