Lifestyle check sa Binays
MANILA, Philippines - Hinamon ng United Makati Against Corruption (UMAC) si Vice President Jejomar Binay na magpasailalim sa “lifesyle check” maging ang kanyang pamilya kasunod ng pagtanggi nito sa akusasyon na nagkamal siya ng malaking kickback sa umano’y “overpriced” na paggawa ng Makati City Bldg 2.
Sa ginawang pulong-balitaan sa Gloria Maris Seafood Restaurant (ilang dipa lang sa PICC kung saan nagbigay ng pahayag si Binay) ay sinabi ng isa sa testigo laban kay Binay na si dating Vice Mayor Ernesto Mercado na sinisimulan na nilang busisiin ang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ni Binay at maging ang kanyang pamilya.
Ayon naman kay Atty. Renato Bondal, convenor ng United Makati Against Corruption (UMAC) kailangang ipaliwanag ng pamilya Binay kung saan nanggaling ang kayamanan nila gayung umaasa lamang sila sa suweldo nila bilang lingkod bayan.
“Duda ako kung papayag si Vice President at ang kanyang pamilya na sumailalim sa lifestyle check. Hindi kasi tutugma ang suweldo nila sa dami ng ari-arian at kayamanan nila ngayon,” ani Bondal.
Isa si Bondal sa mga residente ng Makati na nagsampa ng kasong plunder sa Ombudsman laban kay Vice President Binay, Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay at ibang opisyales ng Makati kaugnay ng overpricing sa Makati Parking Building.
Hindi na puwedeng sabihin ni Vice President Binay na kakampi siya ng mahihirap. Hindi na siya mahirap ngayon at sangkatutak na ang ari-arian niya”, wika ni Bondal.
Kung sasailalim si Vice President Binay at kanyang pamilya sa lifestyle check, tiyak umano na hindi ito makakapasa dahil hindi nila maipaliliwanag kung saan nanggaling ang kanilang kayamanan.
Sa kasalukuyan ay hindi lang si Vice President Binay ang naglilingkod sa gobyerno dahil sa Senador ang kanyang anak na si Nancy, Mayor ang kanyang anak na si Junjun at Congresswoman ang anak na si Abigael. Naglingkod din bilang Mayor ang kanyang asawang si Dr. Elenita.
Kinuwestyon ni Mercado na bakit takot ang Bise Presidente na humarap sa pagdinig sa Senado para sagutin ang mga bintang sa kanya kung wala siyang itinatagong anomalya.
Idinagdag pa ni Bondal na hawak na nila ngayon ang mga SALN ni Vice President Binay gayundin ang listahan ng ilang ari-arian nito at ilalabas nila ang mga dokumento sa takdang panahon at sigurado na magiging ebidensya ang mga ito para patunayan kung saan nanggaling ang yaman ng pamilya Binay.
Umaasa si Bondal na isasampa ng Ombudsman ang kasong plunder sa korte laban kay Vice President Binay batay sa dami ng dokumento at testimonya ng mga testigo laban sa nasabing opisyal.
- Latest