2 HS student dinukot, pinatay
MANILA, Philippines - Dalawang high school student kabilang ang isang Filipino-British ang natagpuang patay matapos na sila ay dukutin ng dati nilang family driver sa bayan ng President Quirino, Sultan Kudarat kamakalawa.
Ang mga nasawing biktima ay kinilalang sina Rey Pacifico, 16-anyos, estudyante sa Tantangan Trade School at ang Pinoy-British na si Robert Mallet, 14-anyos ng Notre Dame of Marbel High School for Boys.
Halos hindi na makilala ang bangkay ng dalawang biktima dahil sa matinding mga pukpok ng bato at kahoy sa ulo, mukha at iba pang bahagi ng katawan.
Ang bangkay ng dalawa ay magkakahiwalay na itinapon sa madamong bahagi ng Brgy. Pangasinan at Brgy. Laguilayan sa bayan ng Quirino.
Ayon kay Sr. Supt. Jose Briones Jr., Provincial Director ng South Cotabato Police na isang magsasaka na nagpapastol ng kalabaw ang nakatagpo sa bangkay ng dalawang binatilyo noong Linggo (Hulyo 20) dakong alas-4:00 ng hapon.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang dalawang biktima ay sinundo ng suspek na si alyas Pluto noong nakalipas na Sabado (Hulyo 19) sa kanilang bahay sa Brgy. Cabuling, Tantangan, South Cotabato.
Niyaya ng suspek ang dalawang biktima na maglaro ng basketball sa bayan ng Isulan, Sultan Kudarat, subalit hindi na nakauwi ang dalawa.
Gayunman, nitong Linggo ay nagtungo si Pluto sa bahay ng pamilya Mallet at sinabi sa ina ng biktimang si Lorna Mallet na kinidnap ang mga biktima at humihingi umano ang mga kidnaper ng P 50,000.00 kapalit ng kalayaan ng mga ito.
Sinasabing nadamay lamang sa insidente si Pacifico na kaibigan ni Mallet dahil sa kilala ng mga ito si Pluto at posibleng kinabahan ang suspek kaya pinaslang ang dalawang binatilyo.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na problemado ang suspek sa pera dahil maga-abroad ang misis nito kaya kinidnap si Mallet na anak ng kaniyang dating amo.
Agad namang nagwithdraw ng pera ang ginang sa kaniyang ATM at sumama sa suspek pero noong Hulyo 20 ng tanghali ay natagpuan itong sugatan at nasa state of shock sa hangganan ng Brgy. Bagumbayan at Laguinlang.
Pinaghahanap ng pulisya ang suspek na isinama ang kaniyang pamilya sa pagtakas.
- Latest